Matinding kalaban ang climate change. Magulang. Walang sinusunod na patakaran. Sugod lang ng sugod. Di nagpapa-awat sa referee. Pag hindi tayo naghanda, knock out tayong lahat.

Ang tugon ng dumaraming pamayanan: depensa sa lumalalang pananalasa ng nagbabagong klima. Halimbawa:

  • Mga proyektong magtitiyak ng patubig sa sakahan sa harap ng mas mahaba o mas matinding tagtuyot, tulad ng imbakan ng tubig sa gitna ng palayan
  • Pagpapalaganap ng mga binhi o pamamaraan ng pagtanim na mas angkop sa malakas na ulan o matinding tag-init
  • Pagtitiyak ng kabuhayan at tirahan na nahaharap sa tumataas na tubig dagat
  • Flood-control projects para maayos ang pagdadaluyan ng tubig na dala ng malakas na bagyo gaya ng Ondoy

Maraming plano ang mga pamayanan, maraming intensyon, ngunit kulang ang kanilang pondo. Dahil kagyat at pangmatagalan ang pangangailangan sa depensa sa climate change, baka mapilitan pa silang galawin ang pinansyang nakalaan para sa edukasyon o kalusugan.

Hindi dapat ganito. Nararapat na may pondong hiwalay na maari nilang gamitin bilang depensa sa climate change. Kailangan nila ang ating suporta.